Mga lalaki edad 40 pataas, hinikayat na ipasuri ang kanilang mga prostate

by Radyo La Verdad | June 18, 2018 (Monday) | 2470

Tinatayang nasa 30 hanggang 40 porsyento ng mga lalaki sa Pilipinas ang nagkakaroon ng benign prostatic hyperlasia o paglaki ng prostate ayon sa tala ng Philippine Urological Association (PUA).

Ang prostate gland ay bahagi ng reproductive system ng mga lalaki na karaniwang lumalaki kapag nagkakaedad. Maaaring magdulot ng problema o hirap sa pag-ihi ang paglaki ng prostate.

Ayon sa presidente ng PUA na si Dr. Wilfredo Tagle, dapat ipinasusuri ng mga lalaking may edad 40 pataas ang kanilang prostate.

Kung mapapabayaan ang paglaki ng prostate, posibleng magkaroon ng iba pang kumplikasyon tulad ng urinary tract infection o UTI, pagbuo ng bato, pagkasira ng kidneys at iba pa.

Ayon sa PUA, marami nang paraan para malunasan ang prostate enlargement.

Si Mang Boy, 63 taong gulang, sinamantala na ang libreng konsultasyon na inorganisa ng PUA nitong nakalipas na Sabado upang masuri ang kaniyang kalusugan.

May payo rin niya sa mga lalaking tulad niyang may edad na wag mangambang ipasuri sa doktor ang kanilang kalusugan.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,