Mga liblib na lugar sa ibang bansa, narating din ng programang Ang Dating Daan

by Radyo La Verdad | December 14, 2018 (Friday) | 27226

Sa loob ng tatlumpu’t walong taon, naging tanyag na ang programang Ang Dating Daan, hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibayong dagat.

Dito sa bansang Brazil, hindi lang ang mga progresibong syudad ang naabot ng programa kundi maging ang mga malalayo at liblib na lugar dito.

Isa sa itinuturing na remote o liblib na lugar sa Brazil ang Almeirim sa estado ng Parà. Mula sa business capital city ng Brazil na São Paulo, limang oras ang byahe sa eroplano bago marating ang pinakamalapit na paliparan sa Almeirim, ang syudad ng Macapa sa estado ng Amapa. Mula rito ay gugugol naman ng halos siyam na oras na byahe sa liblib at masukal na amazona para marating ang Almeirim.

Subalit kahit ang malayong dakong ito ay narating ng pangangaral ng salita ng Dios ni Bro. Eli at Bro Daniel sa pamamagitan ng programang Ang Dating Daan o O Caminho Antigo dito sa Brazil, isa sa nakapakinig ng programa ang pamilya ni Francisco Rodriguez.

Ayon kay Francisco noong una ay ayaw na niyang maniwala sa relihiyon dahil puro mali ang kaniyang nakikita. Subalit hindi siya tumigil ng pagdalingin sa Dios na sana ay masumpungan niya ang katotohanan.

Isang araw ay napakinggan ni Francisco ang programang O Caminho Antigo at agad nakuha ang kaniyang atensyon sa istilo ng pangangaral ni Bro. Eli dahil hindi ito nagkukwento kundi binabasa at may batayan sa Bibliya ang lahat ng kaniyang ipinangangaral.

Dahil dito, nabago ang kaniyang pananaw at naging buo ang kaniyang paniniwala na ang samahang itinataguyod ni Bro. Eli ang totoong samahang sa Dios.

Sinabi rin ni Francisco na masaya at kuntento sila kahit na sila ay mahirap. Ang tanging hiling daw niya ay hindi kayamanan, hindi bagong damit, hindi ang magandang bahay, hindi ang bagong kotse; ang hiling niya ay Dios, ang Iglesia.

Dahil dito sinikap niyang makipag-ugnayan sa Members Church of God International (MCGI). Laking tuwa ni Francisco at ng kaniyang pamilya ng marating ng grupo ang kanilang lugar.

Sa kasalukuyan ang pamilya ni Francisco ay mga aktibong miyembro ng MCGI sa dako ng Almeirim. Ipinagmamaki rin nila ang mangangaral na si Kapatid na Eli Soriano dahil sa pamamagitan niya ay hindi na sila maloloko ng sinomang bulaang pastor sa kanilang lugar.

 

( Dave Tirao / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,