Mga magsasaka sa Region 8, sinasanay upang magturo sa kapwa magsasaka

by Radyo La Verdad | July 30, 2018 (Monday) | 3876

Tinututukan ngayon ng Agricultural Training Institute (ATI) Region 8 ang pagsasanay sa mga magsasaka na makapagturo sa ilalim ng Techno Gabay Program (TGP).

Ayon kay Dr. Vilma Patindol, unti-unti na umanong nakakabangon ang mahigit sa isang daang learning sites at school for practical agriculture sa rehiyon na nasira ng bagyong Yolanda.

Layunin ng ATI na mahubog ang mga magsasaka sa pagtuturo ng mga makabago at natural na teknolohiya na subok na sa kanilang sariling farm o sakahan.

Ilan lamang sa mga ipinagkakaloob na pagsasanay ng ATI sa mga magsasaka ay ang training management, resource person facilitation at ang paggawa ng project proposal.

Malaking tulong umano ito lalo na sa mga mahihirap na magsasaka na hindi nakapag-aral upang mapalago pa ang kanilang sakahan.

Bukod sa mga pagsasanay ay bibigyan din ng ATI ng sariling computer set, printer, wifi pocket at load ang mga farmer teachers na magagamit sa kanilang pagtuturo at a-upload sa mga social media ng kanilang best farming practices.

 

( Archyl Egano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,