Mga Pinoy na nasa Gaza, pinalilikas na ng pamahalaan dahil sa inaasahang mas matinding bakbakan

by Radyo La Verdad | October 16, 2023 (Monday) | 15296

METRO MANILA -Isinailalim na ng pamahalaan ng Pilipinas sa Alert Level 4 o mandatory evacuation ang Gaza dahil sa patuloy na kaguluhan sa lugar sa pagitan ng Israeli forces at Palestinian militant group na Hamas.

Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Spokesperson Ma. Teresita Daza, tukoy na ng gobyerno ng Pilipinas ang 131 Filipino nationals na nasa Gaza. 78 sa kanila ang nasa Rafah Border at patawid na malapit sa Egypt.

Habang ang iba ay nakaalis na mula Northern Gaza o Gaza City na inaahasang magiging sentro ng mas matinding labanan.

Tiniyak naman ng DFA na patuloy ang pag-asikaso sa repatriation ng mga Pilipino sa lugar.

Sa isang video sa kanilang Facebook page, nanawagan ang Israel Defence Forces (IDF) sa mga sibilyan sa Gaza na lisanin na ang lugar dahil sa kanilang inilunsad na opensiba laban sa Hamas.

Nagbigay pa ng evacuation route ang IDF at 3 oras na pagtigil ng opensiba upang makalikas ang mga sibilyan.

Pero batay sa ilang mga ulat, pinipigilan umano ng Hamas ang mga sibilyan na lisanin ang Gaza City.

Naglabas din ng mga recorded na usapan sa telepono ang IDF kung saan sinasabi ng 1 residente sa Gaza na hindi sila pinapaalis ng Hamas.

Ayon naman kay United Nations Secretary-General Antonio Guterres, napaka-delikado ng babalang mass evacuation.

Nanawagan din ito na mabigyan ng humanitarian access ang mga relief workers ng UN para makapaghatid ng ayuda sa mga naiipit sa bakbakan.

Tags: , , ,