Nirespondehan ng UNTV News and Rescue ang motorcycle accident sa Mc Arthur Highway sa Barangay Tuktukan sa Guiguinto, Bulacan noong Sabado ng madaling araw.
Kwento ng driver ng motorsiklo na si Dennis Dela Pena, binabagtas niya ang kahabaan ng Mc Arthur Highway ng biglang tumawid ang isang pedestrian na kinilalang si Francis Nabong.
Tinangka pa ni Dela Pena na iiwas ang motorsiklo ngunit nahagip pa rin nito si Nabong.
Tuluyan na itong nawalan ng kontrol sa manibela kaya natumba ang motor.
Kapwa nagtamo ang dalawa ng sugat at galos sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Agad namang nilapatan ng paunang lunas ng UNTV News and Rescue Team ang pinsalang tinamo ng dalawa.
Ngunit pagkatapos ay hindi na nagpadala ang mga ito sa ospital.
(Nestor Torres / UNTV Correspondent)
Tags: Motorcycle rider at pedestrian na biktima ng aksidente sa Bulacan, tinulungan ng UNTV News and Rescue
Nakahandusay pa sa kalsada ang biktima na si Joshua Samaniego, kwarent y tres anyos nang datnan ng UNTV News and Rescue Team sa Mc Arthur Highway, Barangay Burol 1st, Balagtas, Bulacan pasado alas onse kagabi.
Ayon sa kaibigan ng biktima na humingi ng tulong sa grupo, pinagtulungan silang bugbugin ng apat na kalalakihan.
Ngunit nakatakas sya sa mga ito at humingi ng saklolo sa UNTV News and Rescue.
Nagtamo ang biktima ng mga sugat at pasa sa iba’t- ibang bahagi ng katawan at posibleng head injury na agad namang nilapatan ng paunang lunas ng grupo.
Matapos bigyan ng first aid ay isinugod na sa Bulacan Medical Center ang wala pa ring malay na si Joshua.
Sa ngayon ay iniimbestigahan na ng pulisya ang insidente at inaalam na ang pagkakakilanlan sa mga suspek na agad tumakas matapos ang pambubugbog.
(Nestor Torres / UNTV Correspondent)
Tags: Lalaking biktima ng pambubugbog sa Bulacan, tinulungan ng UNTV News and Rescue
Wasak ang harapang bahagi ng isang motorsiklo matapos bumangga sa isang tractor unit o prime mover truck sa kahabaan ng Brgy. Kauswagan, Cagayan de Oro noong Sabado.
Sugatan ang tatlong sakay ng motorsiklo na tinulungan ng UNTV News and Rescue Team.
Kinilala ang mga biktima na sina Jomart Patenio, Jasper Tan at Alger Terrador.
Kwento ng mga ito, pauwi na silang magkakaibigan galing sa isang kasiyahan nang mabangga sa papalikong truck.
Aminado naman ang mga ito na mabilis ang takbo ng sinasakyang motorsiklo.
Samantala matapos mabigyan ng pangunang lunas ay dinala ang tatlo sa malapit na ospital.
(Cagayan de Oro UNTV News Team)
Tags: Tatlong sugatan sa Cagayan de Oro, tinulungan ng UNTV News and Rescue
Nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team ang banggaan ng kotse at motorsiklo sa national highway ng Barangay Tagapo, Sta. Rosa, Laguna pasado alas otso nuing Sabado ng gabi.
Nagtamo ng gasgas sa kaliwang paa at kamay si Joyce Ann Torres na agad namang nilapatan ng pangunang lunas ng UNTV News and Rescue.
Mabuti naman at nakasuot ng helmet si Rachel Delos Reyes na nakaramdam lang ng pagkahilo matapos bumagsak sa semento.
Ayon sa driver ng kotse na si Philip Apostol bigla umanong sumulpot ang motorsiklo sa kaniyang direksyon.
Sinabi naman ng driver ng motorsiklo na hindi niya napansin ang kotse.
Matapos makunan ng blood pressure at masuri ang mga biktima ng grupo ay dinala na sila sa istasyon ng Sta. Rosa Police.
(Sherwin Culubong / UNTV Correspondent)
Tags: 2 sugatan sa banggaan ng motorsiklo at kotse sa Laguna, tinulungan ng UNTV News and Rescue