Motorcycle rider na naaksidente sa Quezon City, tinulungan ng UNTV News and Rescue

by Radyo La Verdad | March 22, 2018 (Thursday) | 5471

Nakabulagta pa sa kalsada ang trenta y otso anyos na motorcycle rider na si Christopher Morella nang datnan ng UNTV News and Rescue sa South Triangle, Quezon City bandang alas otso kagabi.

Papauwi na sana mula sa trabaho ang biktima ng sumemplang ang motorsiklo nito nang masagi ng isang kotse habang binabagtas ang kahabaan ng Epifanio Delos Santos Avenue.

Nagtamo si Morella ng mga galos sa kanang kamay at idinadaing ang pananakit ng baywang.

Agad na nilapatan ng pangunang lunas ng UNTV News and Rescue Team ang biktima at dinala sa East Avenue Medical Center para sa kaukulang atensyong medikal.

Nakipag-ugnayan naman ang driver ng kotseng nakasagi sa motorsiklo ng biktima sa mga tauhan ng Metropolitan Manila Deveolpment Authority (MMDA) para sa maaaring pananagutan nito.

Dinala rin ang motorsiklo ng biktima sa Quezon City Traffic Sector sa may Edsa-Timog Avenue habang patuloy na iniimbestigahan ang insidente.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,