Natitirang Calamity Fund ngayong taon, nasa P6.8-B — DBM

by Radyo La Verdad | November 4, 2022 (Friday) | 6596

METRO MANILA – Nasa mahigit P6-B ang natitirang calamity fund ngayong taon ayon sa Department of Budget and Management (DBM).

Mula sa P20-B na nakalaang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) fund ngayong 2022, P6.8-B anila ang hindi pa nagagamit.

Ayon sa DBM, maaari pa itong magamit ng mga ahensya ng gobyerno para sa pagtugon sa mga naapektuhan ng kalamidad.

Para sa taong 2023, P31-B ang panukalang calamity fund, P30-B ang para sa disaster response habang P1-B naman ang ilalaan para sa Marawi siege victims compensation fund.

Sa isang pahayag, sinabi ni  Senate Minority Leader Aquilino Koko Pimentel, na bagaman mas mataas ang calamity fund para sa susunod na taon kumpara sa nakalaan ngayong taon, maaari pa rin aniya itong kulangin.

Inirerekomenda ni Pimentel na bawasan ang confidential at intelligence funds para magamit sa disaster response.

Gaya na lamang sa pagpapabuti sa kapabilidad ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA). Ganoon din sa pagsasaayos ng mga bahay, tulay at kalsada na napinsala ng bagyo at lindol.

Ayon kay pimentel, halos P10-B ang nakalagak sa confidential at intelligence funds sa ilalim ng panukalang 2023 national budget.

Kabilang na aniya rito ang P4.5-B para sa Office of the President, P806-M sa Philippine National Police (PNP) at tig P500-M sa Office of the Vice President (OVP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Ayon naman kay Senate Finance Committee Chairperson Sonny Angara, akma lamang ang P30-B na calamity fund na mas malaki na kung ikukumpara sa mga nagdaang taon.

Gayunman, bukas aniya ang komite sa mga pagbabago sa panukalang pondo para mapabuti ang pagtugon ng gobyerno sa kalamidad.

Una nang sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na kanila nang nire-review ang mga gagawing adjustment para sa Disaster Management Funds sa 2023 national budget kasunod ng epekto ng lindol sa Abra at hagupit ng bagyong Paeng.

Sa susunod na Linggo, balik sesyon na ang Senado kung saan tatalakayin na sa plenaryo ang panukalang pondo para sa susunod na taon.

(Harlene Delgado | UNTV News)

Tags: ,