Negosyante sa Quezon City, pinagbabaril at pinagnakawan ng hindi pa nakikilalang salarin

by Radyo La Verdad | November 5, 2018 (Monday) | 1186

Naghihinagpis ang mga kaanak ng isang lalaking na biktima ng pamamaslang sa kanto ng Lawin Street at Kulasisi Street sa Barangay Commonwealth, Quezon City bandang alas otso kagabi. Kinilala ang biktima na si Michael Manila, 45 anyos at isang negosyante.

Ayon sa nakasaksi sa insidente, papauwi na ang biktima galing sa tindahan nito sa lungsod sakay ng isang puting Isuzu truck.

Nang bumagal ang takbo ng sasakyan nito upang lumiko sa Kulasisi Street ay biglang sumulpot ang suspek na nakasuot ng pulang helmet at itim na jacket. Pinagbabaril nito si Manila na naging sanhi ng agad na pagkamatay nito.

Sa panayam ng mga pulis sa mga kaanak ng biktima, nalaman nila na nawawala ang cellphone at ang dalang pera ng biktima na tinatayang nagkakahalaga ng one hundred fifty thousand pesos. Hindi naman matukoy ng mga kaanak ni Manila ang motibo ng pamamaslang.

Patuloy na nagsasagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Quezon City Police District upang malaman ang pagkakakilanlan ng suspek at matugis ito.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,