Operasyon ng mga pampublikong sasakyan sa mga lugar na nasa ilalim ng ECQ, nilimitahan

by Radyo La Verdad | March 29, 2021 (Monday) | 71440
Photo: Amelito Bocito

Mananatili pa ring bukas ang lahat ng mga pampublikong transportasyon sa NCR plus habang nasa ilalim ito ng ECQ simula ngayong araw hanggang sa linggo. Ngunit lilimitahan ang kapasidad ng public transport upang mabawasan ang paggalaw ng mga tao.

Ang pinahihintulutan lang makabyahe papasok at sa loob ng NCR plus ay ang mga Authorized Persons Outside of their Residence (APOR ) at may mga essential o mahalagang dahilan ng pagbyahe.

Para sa mga papauwi ng bansa, limitado pa rin hanggang 1,500 na pasahero kada araw ang  international inbound passenger capacity sa NAIA.

Habang papayagan pa rin ang operasyon ng domestic commercial flights ngunit batay ito sa mga restriction na ipinatutupad ng mga LGU sa labas ng greater Manila.

Binabaan naman sa fifty percent ang kapasidad sa mga pampublikong transportasyong pangdagat gaya ng mga passenger vessel.

Mas nilimitahan din sa 20 hanggang 30 percent ang passenger capacity ng lahat ng mga rail line kabilang na ang LRT-1 at 2, MRT line 3 at  Philippine National Railways.

Balik din sa 50 percent ang kapasidad ng mga public utility vehicle kabilang na ang mga pampublikong bus, jeep, UV express at shuttle service.

Mahigpit na ipinatutupad ang one-seat apart rule kahit pa may plastic barrier sa loob ng sasakyan.

Papayagan din ang operasyon ng mga provincial bus ngunit dapat ay point-to-point ang byahe.

Ang TNVS at taxi ay dapat may dalawang pasahero lang kada hilera habang isang pasahero lang sa tabi ng driver.

Isang pasahero na lang ulit ang papayagan sa mga tricycle at hindi papayagan ang sinomang nakaupo sa tabi o likod ng driver.

Pati ang mga motorcycle taxi o pribadong motorcycle rider na may sakay na APOR ay pahihintulutang bumyahe gamit ang barrier sa pagitan ng driver at pasahero.

Sa kabila nito, hinihikayat naman ang publiko sa paggamit ng bisikleta at iba pang personal mobility device sa pagbyahe lalo na kung malapit lang ang destinasyon.

Asher Cadapan, Jr. | UNTV News

Tags: , , , , , ,