Opisyal na kautusan kaugnay ng 13th month pay, nakatakdang ilabas ng DOLE ngayong araw (Oct. 16)

by Erika Endraca | October 16, 2020 (Friday) | 102

METRO MANILA – Inaasahang tuluyan nang mapapawi ang pangamba ng mga manggagawang Pilipino kung matatanggap ba nila o hindi ang kanilang 13th month pay sa Disyembre sa ilalabas na opisyal na resolusyon o kautusan ng Department of Labor and Employment patungkol ditto.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, bukod sa pinal na desisyon sa isyu laman din nito ang mga hakbang na gagawin upang matulungan ang mga micro and small enterprises na walang kakayahang maibigay ang benepisyo ng mga empleyado

“Nagrequest kami kay Sec. Dominguez na kung maaari bigyan ng subsidy yung mga employers that are categorized as micro and small enterprises para mabigyan sila ng subsidy o kaya mabigyan sila ng opportunity to make loans sa ating banks, lahat ng mga banks” ani DOLE Secretary Silvestre Bello III.

Nagapasalamat naman sa DOLE ang labor sector sa maging desisyon nito

Ayon sa Associated Labor Union – Trade Union of the Philippines (ALU TUCP), naalis ang agam agam ng mga empleyado na madedelay o tuluyang hindi nila matatanggap ang kanilang 13th month pay

Binigyang-diin din ng grupo ang kahalagahan ng dayalogo sa pagitan ng pamahalaan at labor at business sector na anila’y epektibo pa rin sa pagresolba ng mga mahahalagang isyu

Malaki anila ang naging papel ng pagpupulong noong Martes sa pagitan ng DOLE, unyon ng mga manggagawa at business owners upang mabigyang solusyon ang deadlock sa 13th month pay ng mga empleyado.

Naging isyu ang exemption sa pagbibigay ng 13th month pay ng mga employado, matapos na dumaing ang ilang business owner na wala silang kakayahang ipagkaloob ito dahil sa epekto ng Covid 19 pandemic.

(Mirasol Abogadil | UNTV News)

Share and Enjoy !

0Shares
0 0

Tags: