P100-M, ipagkakaloob ni Pangulong Duterte sa mga Lumad

by Radyo La Verdad | February 2, 2018 (Friday) | 6232

Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isinagawang Indigenous Peoples Leaders Summit Culmination sa Davao City. kahapon

Dito idinulog ng mahigit 900 Lumad leaders ang kanilang hinaing sa Pangulo. Kagaya na lamang ng umano’y patuloy nilang pakikipag-agawan sa karapatan sa kanilang lupain sa mga malalaking negosyante at investor.

Sa kanyang talumpati, nangako ang Pangulo na magbibigay ng isandaang milyong pisong financial assistance para sa pagpapaunlad ng ancestral land ng mga Lumad.

Nangako rin si Pangulong Duterte na siya mismo ang maghahanap ng mga investor na magpopondo upang lalo pang ma-develop ang mga lupa.

Ayon sa Pangulo, isa rin itong paraan upang maiwasang guluhin ng mga rebelde ang mga Lumad at ma-recruit ang mga ito sa paglaban sa pamahalaan.

Nangako rin ang Pangulo na magbibigay ng pabahay sa mga Lumad na nais bumaba sa bundok at libreng edukasyon para sa kanilang mga anak.

 

( Janice Ingente / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,