Pagkain ng 2 saging kada araw, may mabuting naidudulot sa katawan ayon sa mga doctor

by Erika Endraca | February 10, 2021 (Wednesday) | 840

METRO MANILA – Isa sa pinaka-popular na prutas ang saging at mayroon tayong higit sa sampung klase nito sa Pilipinas.

Ayon sa maraming mga pag aaral, bukod sa abot-kaya ang halaga nito ay siksik pa ito sa sustansya at bitamina.

Nagtataglay ng mga sumusunod ang kada isang daang gramo ng hugis pahabang prutas na ito: 430 I.U. Vitamin A, .04mg Thiamine, 10mg Vitamin C, 8mg Calcium, 6mg Iron, 28mg Phosphorus, 260mg Potassium, 1.2mg Protein, 23 grams Carbohydrates, at 88 Calories.

Maraming pagsusuri rin ang nagsasabing sobrang healthy at napakabuti sa katawan ng saging.

Nagtataglay ito ng Phospholipid at Flavanoid na nagsisilbing antacid at nakakatulong upang matapalan ang sugat sa ating tiyan. Nakakatulong din ang pagkain ng 2 saging kada araw sa mga taong may altapresyon at umiinom ng gamot para sa puso.

Ayon sa mga doctor mataas din sa fiber ang saging at pwede itong panlaban sa colon cancer at iba pang sakit sa bituka.

Sa mga mahilig mag ehersisyo, maaaring isama sa baong snack ang 2 piraso ng saging upang hindi bumaba ang Potassium.

Mayroon din Tryptophan ang saging, isang kemikal na nagpapasaya at nagpapabuti ng ating emosyon.

Ayon sa mga mangagamot “Two bananas a day keep the doctor away.”

(Beth Pilares | La Verdad Correspondent)

Share and Enjoy !

0Shares
0 0

Tags: ,