Pagpapatupad ng MECQ ngayon, mas mahigpit kumpara noong nakaraang taon – PNP

by Erika Endraca | August 23, 2021 (Monday) | 6891

METRO MANILA – Hindi pa rin magluluwag ng inspeksyon sa mga checkpoint ang mga pulis kahit na ibinaba na sa Modified ECQ ang quarantine status sa Metro Manila.

Ayon kay PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar, nananatili ang banta ng COVID-19 at ang mga mas nakahahawang variant nito kayat mahigpit pa rin ang gagawin nilang pagbabantay.

Lalo na at nadagdagan pa ang mga Authorized Persons Outside of Residence (APOR) na papasok sa kani kanilang trabaho

“Ngayon ay nadagdagan ng mga permitted industries na nag ooperate, ibig sabihin non nadagdagan ang mga worker apor na papasok sa kanilang mga trabaho, subalit sa mga consumer APOR na bibili at mag aavail nito pareho pa rin po, isa lang or every household na magdadala ng quarantine pass, lalabas lang sila during non curfew hours at doon lamang sila sa loob ng kanilang mga cities sa loob ng Metro Manila, tiny bubbles pa rin po ang konsepto natin dito” ani PNP Chief, PGen. Guillermo Eleazar.

Sinabi pa ni Eleazar na mas mahigpit ang pagpapatupad nila ng MECQ Ngayon kumpara noong nakaraang taon.

“kung dati po ay merong Al Fresco Dining o yung outdoor dining services ngayong MECQ ay hindi po allowed yun at kung dati ay merong religious activity na ang venue capacity ay hanggang 10% o pwedeng ma extend depende sa lgu ngayon po ay wala, online services ang ating religious gathering”ani PNP Chief, PGen. Guillermo Eleazar.

Samantala, magtatalaga din ang PNP ng mga tauhan upang magbantay sa mga lugar na isasailalim sa granular lockdown.

(Lea Ylagan | UNTV News)

Tags: , ,