Pangakong murang bigas, inaasahang magiging P42-49/ kilo sa Hulyo

by Radyo La Verdad | June 25, 2024 (Tuesday) | 5696

METRO MANILA – Inaasahang aabot sa P42 hanggang P49 ang kada kilo ng presyo ng bigas sa merkado sa susunod na buwan.

Kasunod ito ng pinirmahang Executive Order Number 62 ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior na layong ibaba ang rice tariff mula 35% patungong 15%.

Hindi natupad ang naunang naipangako ng gobyerno na mas murang bigas dahil hindi na umano kinaya ng rice traders na makapag produce ng mas mababa sa P30 kada kilong murang bigas.

Nakipag-usap naman ang house leader sa Philippine Rice Industry Stakeholders’ Movement (PRISM) at maging kay National Food Authority Officer-In-Charge-Administrator Larry Lacson.

Ang PRISM ang nanawagan kamakailan na ipagpaliban ang implementasyon EO 62 upang magkaroon ng panahong makapaghanda ang mga magsasaka at stakeholders sa magiging epekto nito.

Binubuo ang PRISM ng seed growers, mga magsasaka, millers, traders, importers at retailers.

Tags: ,

Pagtatakda ng price cap ng bigas, ipatutupad na ngayong araw

by Radyo La Verdad | September 1, 2023 (Friday) | 8002

METRO MANILA – Ipinag-utos na ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior na magkaroon ng price cap o limitasyon sa presyo ng bigas sa buong bansa batay sa rekomendasyon ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI).

Sa ilalim ng Executive Order Number 39 na ipinalabas matapos ang sectoral meeting sa Malakanyang, itinakda sa hanggang P41 kada kilo ang pinakamataas na presyo ng regular milled rice habang P45 per kilo naman sa well-milled rice.

Bunsod ito ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas sa mga pamilihan at ng mga napapaulat na manipulasyon sa presyo at pag-iipit sa supply nito.

Ayon naman sa DTI, babantayan nila ang mga presyo ng bigas sa merkado.

Sang-ayon naman ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) sa hakbang na ito ng palasyo.

Mataas man anila ang presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado, ay sapat naman ng supply sa bansa.

Katunayan nito ay ang mga nakikitang nakaimbak sa mga ininspeksyong bodega sa Bulacan.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: , ,

Presyo ng bigas, posibleng tumaas ng hanggang P4/kilo – SINAG

by Radyo La Verdad | August 1, 2023 (Tuesday) | 7768

METRO MANILA – Aabot ng P2 – P4 ang posibleng itaas ng presyo ng bigas sa mga pamilihan.

Ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), mataas ngayon ang presyo ng bigas kahit sa ibang bansa.

Idadamay din nito ang presyo ng lokal na produksyon.

Sa pagtaya ng SINAG, magiging P48 – P50 ang presyo ng kada kilo ng pinakamababang presyo ng imported rice habang nasa P45 – P47 naman ang inani sa bansa.

Una rito binanggit mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior ang planong mag angkat ng bigas.

Pero ayon sa SINAG, dapat ay sapat lamang ang angkatin ng Pilipinas.

Ayon naman sa Federation of Free Farmers, maluwag ngayon ang importasyon dahil sa Rice Tariffication Law.

Pero nakikiramdam din ang mga importer sa magiging hakbang ng gobyerno sa importasyon.

Ang tanong ngayon ay kung paano nila gagawin ito dahil sa ilalim ng Rice Tariffication Law ay bawal na umangkat ang National Food Authority (NFA).

Ayon naman sa Department of Agriculture (DA), hindi kontrolado ng Pilipinas  ang pagtaas ng presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado.

Kaya’t pinalalakas na nito ang lokal na produksyon para hindi na nakadepende sa importasyon.

Pag-uusapan pa ng Intergency Task Force ang pinal na magiging desisyon sa pag-aangkat ng bigas.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: ,

More News