Pangulong Aquino, nakakuha ng mababang grado sa pamamahala sa ekonomiya, pananalapi, etc.

by dennis | July 27, 2015 (Monday) | 1298
File photo
File photo

Mababang grado ang nakuha ni Pangulong Benigno Aquino III para sa taong 2014 pagdating sa pamamahala sa sektor ng ekonomiya, pananalapi, kalusugan at agrikultura.

Ito ay batay sa gradong ibinigay ng Movement for Good Governance (MGG) kung saan nakatanggap lamang si Pangulong Aquino ng score na 5.9 kung saan ang score na 10 ang pinakamataas na grado na maaaring matanggap ng Pangulo.

Naging batayan ng MGG ang isang data-based assessment tool na kayang i-monitor ang mga programang inilunsad ng pamahalaan. Layunin ng pagbibigay ng grado sa Pangulo ang pagtukoy sa mga epektibong programa na ipinatupad ng gobyerno maging ang mga kakulangan na kailangan pang palakasin at paunlarin.

Batay sa report na inilabas ng MGG, ang score ng Pangulo ay mababa sa minimum na 7.5 dahil sa ilang mga pangako na hindi pa naipatutupad pero itinuturing na nasa tamang landas.

Subalit ang score na tinanggap ngayon ni Pangulong Aquino na 5.9 ay mas mababa sa score na 6.58 na kanyang nakuha noong 2013 habang 5.66 naman ang kanyang nakuhang grado noong 2011.