Pangulong Duterte, isinantabi ang no-touch policy na ipinatutupad ng Presidential Security Group upang maiwasan ang COVID-19

by Erika Endraca | March 10, 2020 (Tuesday) | 44831

METRO MANILA – Hindi pinansin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ipinatutupad na no-touch policy ng presidential Security Group (PSG) sa pagitan ng Punong Ehekutibo at publiko sa mga scheduled event nito.

Inanunsyo ng PSG na bilang bahagi ng preventive measures laban sa COVID-19, isa ito sa mga ipinatutupad ng mga PSG Personnel.

Subalit sa kaniyang pakikipag-pulong sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases sa Malacanang Kagabi (March 9), makikitang di ito sinunod ng Pangulo.

Bagkus, nakipagkamay pa rin at nakipag-beso-beso pa sa ilang miyembro ng kaniyang gabinete at ilang local chief executives.

“Kalokohan yan, protocol-protocol. I will shake hands, lagi kong sinasabi sa inyo, kung tawagin na ako ng Dios ngayong oras na ito, pupunta na ako, tapos na ako, nagging President na ako, pinakamataas na maabot ng mga tao, mga anak ko, ok na.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Hinggil naman sa payo sa kaniya ng kaniyang kabiyak na si Ginang Honeylet Avanceña na umiwas muna sa big crowds, ayon sa Punong Ehekutibo, may tungkulin siyang dapat gampanan.  Tuloy-tuloy din aniya ang mga scheduled public event niya.

“I will not decline invitations. I will shake hands with everybody, I am going to mindanao to visit my dead soldiers and to congratulate my warriors.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Samantala, tuloy din aniya ang gagawin niyang pagbisita sa Boracay Island upang isulong ang local tourism.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,