Pangulong Duterte, nagbantang sasampahan ng Economic Sabotage ang mga nasa likod ng umano’y maperwisyong kontrata ng Pamahalaan sa mga Water Concessionaire

by Erika Endraca | December 4, 2019 (Wednesday) | 15130

METRO MANILA – Inilarawan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang tagilid at kwestionable ang mga naging kontrata ng Pamahalaan sa ilang water concessionaire.

Ayon sa Punong Ehekutibo, nagpayaman ang mga water distributor sa pamamagitan ng naturang kontrata at naniningil ng sobra-sobra sa mga consumer.

“Ang ating tubig ginawang negosyo ng mga tao dito sa pilipinas. Ang ngayon, ang inabutan natin ang may-ari na ngayon manila water, maynilad, si ayala pati si panganiban Pangilinan. we are being milked by billions and pinapabayad pa tayo ng mga fines and penalties.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Aniya, isasapubliko niya ang mga nasa likod ng naturang mga kontrata at nagbantang papanagutin ang mga tinatawag na “oligarch” na nakinabang dito.

Natanong din ng Pangulo kung mayroon bang kinalaman sa pagbuo ng naturang kontrata ang Senate Minority Floor Leader na si Senator Franklin Drilon at iba pang mambabatas.

“Bakit pumayag ang mga senador diyan, marami yan sila, and we will expose them and I will insist that they will be tried for economic sabotage, pag di nila tanggapin ang kaso na yan, I will tell the supreme court now, now is the time that we talk seriously ito ipafile ko ito, economic sabotage and I will arrest them lahat silang mga patikim sila paano ang buhay ng preso. Kung pati ako isasali nila, sasali ako sa presohan, walang problema yan” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Samantala, inutusan naman niya ang ilan sa kaniyang mga miyembro ng Gabinete na bumuo ng panibagong kontratang makatwiran para sa Publiko.

Matatandaang pinarerepaso ni Pangulong Duterte sa Department of Justice (DOJ) ang 1997 Maynilad at Manila Water Concession agreements dahil sa naranasang problema sa suplay ng tubig sa Metro Manila at mga kalapit probinsya noong Marso.

Tinutuligsa din ng Punong Ehekutibo ang naging desisyon ng permanent court of arbitration sa Singapore ng panigan ang Manila Water sa kaso nito laban sa Philippine Government noong 2015 at pagmultahin ng bilyong-bilyong pisong halaga dahil sa pagpigil na magtaas ng singil sa tubig.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,