Pangulong Duterte, posibleng iendorso na ang kaniyang mga kandidato sa campaign rally sa March 31

by Radyo La Verdad | March 30, 2022 (Wednesday) | 23359

METRO MANILA – Inihayag ni PDP Laban Secretary General at Acting Cabinet Secretary Melvin Matibag na dadalo sa grand rally ng PDP Laban Cusi group si Pangulong Rodrigo Duterte bukas (March 31) sa Cebu.

Naniniwala si matibag na malaki ang magagawa ng pag-eendorso ng pangulo sa mga kandidato ng ruling party para sa eleksyon.

Ayon sa opisyal, 24 na lugar ang inaasahang dadaluhang kampanya ni Pangulong Duterte.

Umaasa ang Acting Cabsec na personal na ring ieendorso ni Pangulong Duterte ang kandidatura ni Presidential Candidate Ferdinand Bongbong Marcos Junior.

“I don’t want to speculate but as PDP Laban commit already the endorsement of senator Bongbong Marcos as the next president, I’m also hoping that the president will make personal endorsement” ani ni PDP Laban Secretary General at Acting Cabinet Secretary Melvin Matibag.

Una nang iniendorso ng partido ni Pangulong Duterte na PDP Laban ang presidential bid ni Marcos Junior. Pero wala pang direktang sinasabi ang pangulo kung susuportahan nga niya si BBM.

Samantala, inendorso naman ng Nacionalista Party (NP) na pinamumunuan ni dating senate president Manny Villar ang kandidatura ng tambalang Marcos at Davao City Mayor Sara Duterte Carpio.

Sa pahayag ng NP, naniniwala sila sa mensahe ng pagkakaisa ng 2 na kinakailangan para makabangon mula sa pandemya ang Pilipinas at mapagkaisa ang lahat mula sa pagkahati hati sa pulitika.

Dagdag pa nito, ang Marcos-Duterte tandem anila ay parehong may plataporma sa gobyerno, kwalipikasyon at may track record para pamunuan ang bansa.

Nagpasalamat naman si Marcos Junior na suporta na ito ng dati niyang partido.

Nangampanya kahapon sa Zamboanga City si Marcos Junior kasama ang ilang senatoriables.

(Nel Maribojoc | UNTV News)

Tags: