Pangulong Rodrigo Duterte, tiniyak na hindi makalulusot sa ilalim ng kanyang administrasyon ang mga tiwaling opisyal ng Philhealth

by Erika Endraca | August 11, 2020 (Tuesday) | 3369

METRO MANILA – Sa kauna-unahang pagkakataon matapos mahalungkat ang mga panibagong alegasyon ng katiwalian laban sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), nagsalita si Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng isyu.

Ang kaniyang babala sa mga sangkot sa katiwalian sa State Health Insurance.

“Dapat talaga wag kayong magkakamali, itong PhilHealth, sabi ko yayariin ko kayo, maniwala kayo. Yung mga inosente naman, wala kayong dapat na, tahimik man kayo at continue working.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Dagdag pa ng Presidente, wag akalain ng mga tiwaling tauhan ng PhilHealth na makakalusot sila sa ilalim ng kaniyang administrasyon.

“Pero ngayon ito,nakalusot kayo sa ibang maybe presidente, dito sa akin, sadsad talaga kayo, maniwala kayo. And with the help of cabinet members ko, di ko na lang ipagyabang but these are people, simple lang, why are they really helping me to get rid of you, kung maaari lang patayin ka, because simply they love their country.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Kamakailan, isang Task Force ang pinabuo ng Punong Ehekutibo sa Department Of Justice (DOJ) upang imbestigahan ang PhilHealth, i- audit ang finances nito, magsagawa ng lifestyle check sa mga opisyal at empleyado ng korporasyon at magrekomenda ng preventive suspension kung kinakailangan.

30 araw ang ibinigay sa Task Force mula ng mabuo ito upang isumite ang findings at rekomendasyon sa tanggapan ni Pangulong Duterte.

Kabilang sa mga alegasyon sa PhilHealth ang umano’y overpriced IT system budget nito at ang nasa P15B halaga umano ng pondong ibinulsa ng mga opisyal ng ahensya.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: