Nagpaalala ang PNP Highway Patrol Group sa mga driver na sasabak sa malayong pagmamaneho ngayong bakasyon.
Ayon kay PNP Highway Patrol Group spokesperson P/Supt. Elizabeth Velasquez, mahigpit nilang ipatutupad ang Anti- Drugged and Drunk law at siguradong matatanggalan ng lisensya at makakasuhan ang magmamaneho ng lasing o nasa impluwensya ng ipinagbabawal na gamot.
Sinabi pa nito na ang mga lasing at naka drogang drivers ang madalas na pinagsisimulan ng aksidente sa lansangan kung saan nakakaalarma na ang malaking pagtaas nito taon taon.
Nilinaw ni Velasquez na 78% dito ay dahil sa human error tulad ng overspeeding o reckless driving, bad overtaking at bad turning na kadalasang ginagawa ng mga nakainom na drivers.
Idinagdag pa ni Velasquez na tuloy tuloy din ang panghuhuli nila ng mga motoristang walang helmet at maging ang mga sasakyang walang plaka.(Lea Ylagan,UNTV Correspondent)