Pondo ng SSS, buo at protektado sa gitna ng kontrobersyang kinasasangkutan ng apat na opisyal nito

by Radyo La Verdad | November 3, 2017 (Friday) | 2305

Walang dapat ikabahala ang mga miyembro at pensioner ng SSS sa gitna ng panibagong kontrobersyang kinakaharap ng ilang opisyal nito.

Ayon kay SSS Chairman Amado Valdez, hindi naman pondo ng ahensya ang sentro ng isyu ngayon kundi ang paglalagak ng mga ito ng personal na pera sa shares of stock ng SSS.

Ayon kay Chairman Valdez, bago pa man nailabas sa publiko ang isyu ay na-imbestigahan na ang pamunuan, ito upang mabigyan ng kaukulang aksyon sakaling mapatunayang may pananagutan ang mga ito.

Sa ngayon ay nasa floating status na sina SSS Executive Vice President for Investments Rizaldy Capulong, Equities Investment Division Chief Reginald Candelaria, Equities Product Development Head Ernesto Francisco Jr. at Chief Actuary George Ongkeko Jr.

At bagaman nag-resign na ang isa rito ay kasama pa rin siya sa imbestigasyon. Handang magsumite ng reklamo ang SSS sa Ombudsman kapag may resulta na ang kanilang imbestigasyon.

Naniniwala naman ang Associated Labor Unions -Trade Union Congress of the Philippines na marapat lang na pansamantalang ma-relieve ang mga ito sa kanilang posisyon.

Umaasa ang grupo na magsasagawa ng credible at transparent na imbestigasyon ang SSS para makita ng publiko at magkaroon ng kumpiyansa na hindi nawaldas at hindi lang basta nagamit sa anomang bagay ang kanilang kontribusyon.

Tuloy- tuloy naman ang ginagawang lifestyle check sa mga opisyal ng SSS lalo na’t nakabantay ang mata ng publiko sa kanila bilang mga tagahawak ng pondo ng mga manggagawa.

Naniniwala rin ang SSS sa maaaring pananagutan ng mga ito lalo na’t mandato ng Pangulo ang mabigyang prayoridad sa lahat ng mga benepisyo ang mga mararalitang Pilipino.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,