Posibilidad na pinlano ni Stephen Paddock na mamaril sa iba pang malalaking music festival, inaalam ng mga otoridad

by Radyo La Verdad | October 6, 2017 (Friday) | 3843

Makikita sa cellphone video na kuha ni Raymond Page ang pagtatakbuhan ng mga tao sa concert venue sa Las Vegas na pinaulanan ng bala ni Stephen Paddock mula sa kanyang hotel room sa ikatatlumpu’t dalawang palapag ng Mandalay Bay Hotel.

Mariring ang magkakasunod na putok ng baril habang mabilis na lumilikas ang mga concert goer sa venue.

Ang ilan sa mga ito ay sugatan na at inasistihan upang madala sa pinakamalapit na ospital.

Kabilang ang Spring Valley Hospital sa mga tumanggap ng pasyente mula sa mass shooting.

Laking pasasalamat ng ina ng isa sa mga biktima ng pamamaril dahil naligtas ang kanyang anak sa kamatayan.

Sa ngayon ay inaalam na ng mga otoridad ang posibilidad na pinlano rin ng gunman na mamaril sa iba pang malalaking music festival.

Kasunod ito ng impormasyon na nagbook din ito ng kwarto sa isang hotel kung saan matatanaw ang Lollapalooza festival sa Chicago noong Agosto.

Nagrenta rin ito ng kwarto sa Ogden Complex sa Downtown Las Vegas noong Setyembre kung saan tanaw naman ang venue sa life is Beautiful festival noong Setyembre.

Kasalukuyan pa ring inaalam ng mga otoridad ang motibo ng 64 anyos at high-stakes gambler na si Paddock kung bakit nito ginawa ang walang habas na pamamaril.

 

( Kath Canlas / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,