Presyo ng bigas, inaasahang bababa simula Oktubre ayon sa NFA at DTI

by Radyo La Verdad | September 10, 2018 (Monday) | 1395

Nagdadalawang-isip si Mang Jose kung anong bigas ang bibilhin, namamahalan siya sa halagang singkwenta kada kilo, pero hindi naman daw siya magsisisi dahil siguradong masarap ito.

Matapos ang ilang minuto na pag-iikot, sa NFA ang bagsak ni Mang Jose dahil mas mahalaga sa kanya ang makapagtipid, lalo na at mahal na ang mga bilihin. Pero para sa mga may budget, commercial rice pa rin ang binibili dahil masarap daw kainin.

Hirap naman ang mga retailer na magbenta ng commercial rice dahil sa mahal talaga ang kuha nila sa mga trader. Ang isang sako ng bigas na makukuha ng 2,100 sa mga rice miller, maaari daw maibenta ng 42 kada kilo, pero dahil kailangan pa itong ibyahe papunta sa Maynila, nagiging 45 na kada kilo ang bentahan ng bigas.

Aminado ang Department of Trade and Industry (DTI) na totoong tumaas ang presyo ng regular milled at well milled na bigas sa merkado.

Kaya naman tuloy ang pag-aangkat ng Pilipinas ng bigas upang mapababa ang presyo nito. Sa buwan ng Oktubre dadating ang iba pang mga aangkating bigas. Pagdating nito ay direkta itong ibabagsak sa merkado upang mas maging mura ang bentahan.

Target ng DTI at NFA na maibalik kahit sa 39 piso kada kilo ang regular milled habang nasa 42 piso naman ang well milled.

Sa isinagawang inspeksyon ng DTI at NFA sa mga warehouse ng bigas sa Bulacan, nakita na sapat ang supply. Kailangan lamang ang importasyon para mabalanse ang supply lalo na at mayroon na namang paparating na bagyo sa bansa.

Ayon sa DTI at NFA, tumaas ang presyo ng bigas dahil sa mataas rin naman ang kuha ng mga rice miller sa mga magsasaka. Naging mataas naman ang bentahan mula sa mga magsasaka dahil apektado ang mga ito ng dumaang mga bagyo sa bansa.

Pinangangambahan namang tumaas ang presyo ng bigas dahil sa paparating na bagyo ngayong linggo.

Inatasan na ng DTI at NFA ang mga rice miller na mag-stock na ng mga palay sa mga warehouse upang hindi masira ng malakas na ulan.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,