Presyo ng bilihin sa Commonwealth market, bumaba batay sa ginawang monitoring ng DTI

by Radyo La Verdad | January 10, 2019 (Thursday) | 219

QUEZON CITY, Philippines – Muling nag-ikot sa Commonwealth market ang mga tauhan ng Department of Trade and Industry kaugnay ng kanilang tuloy-tuloy na price monitoring.

Sa pag-iikot ng DTI, natuklasan na bumaba ang presyo ng gulay, karne at isda sa naturang palengke.

Ang manok na dating 120 pesos per kilo, ngayon isang daang piso na lamang. Habang ang baboy naman bumaba rin sa 200 pesos per kilo ang bentahan mula sa dating 240.

Ang presyo ng gulay bumaba rin ng sampu hanggang bente pesos. Ang repolyo na dating 60 pesos ang per kilo, ngayon 45 pesos na lamang. Ang dating 65 pesos per kilo ng patatas, 45 pesos na lang. Ang carrots na dating nasa 60-70 pesos ngayon 45 pesos na lang din. Ang kamatis na dating 40 pesos kada kilo ngayon 25 pesos na lang. Pero ang bawang at sibuyas nanatiling stable ang presyo sa halagang 60-70 pesos per kilo.

Bumaba rin ang bentahan ng isda, gaya ng galunggong, bangus at tilapia. Mula sa 200 pesos per kilo ng galunggong ngayon ay ibinebenta na lamang ito ng 160 pesos. Ang tilapia na dating 120 pesos ngayon 90 pesos per kilo na lamang. Habang ang bangus naman mula sa 180 pesos,ngayon ay 130 pesos per kilo na.

Paliwanag ng DTI at ng market administrator ng Commonweatlh Market, direktang nakakakuha sa mga supplier ang mga tindera kaya mababa ang presyo ng kanilang produkto.

Pinasyalan din ng DTI ang isang high-end supermarket sa may Libis Quezon City at ikinagulat na mas mababa pa ng 3 hanggang apat na piso sa SRP ang presyo ng ilang delata dito. Pero nadiskubre ng DTI na lubhang mahal ang benta sa asukal sa naturang supermarket. Mula sa 50 pesos na SRP per kilo, ibinebenta nila ng 70 pesos ang isang brand ng asukal.

Kaugnay nito pinagpapaliwanag ng DTI at sugar regulatory administration ang naturang supermarket at iimbestigahan kung bakit ibinebenta sa mas mahal na presyo ang nabanggit na asukal.

Sakaling mapatunayan na nagkaroon ng paglabag papatawan ng DTI ng kaukulang parusa ang naturang supermarket.

(Joan Nano | UNTV News)