Sagot ng pamilya Veloso sa counter affidavit ng kampo ni Sergio, ihahain ngayong araw sa DOJ

by dennis | May 25, 2015 (Monday) | 1239

VELOSO MOTHER

Nakatakdang isumite sa Department of Justice ngayong hapon ang sagot ng kampo ng pamilya ni Mary Jane Veloso sa isinumiteng kontra salaysay ng panig ni Maria Christina Sergio, at live-in partner nitong si Julius Lacanilao na itinuturong recruiter ni Mary Jane.

Ito ay bahagi ng preliminary investigation sa sa mga kasong human trafficking, estafa at llegal recruitment na isinampa ng pamilya Veloso laban kina Sergio at Lacanilao.

Ayon kay Atty. Edre Olalia, abogado ng mga Veloso, mas mapagtitibay nila ang paggiit na walang kasalanan si Mary Jane sa kasong drug trafficking sa Indonesia dahil na rin sa naging salaysay ni Sergio sa kaniyang affidavit na inosente ang Pinay sa naturang kaso at nabiktima lamang ito ng mga dayuhan na kanilang nakilala sa Malaysia.

Samantala ay sasagutin din ng kampo ng mga Veloso ang pahayag ni Sergio na si Mary Jane ang nakipagkilala sa naturang mga dayuhan na siyang nagpadala ng bagahe na may lamang droga at igiiniit na hindi niya kakilala ang mga ito.(Jerolf Acaba/UNTV Radio)