Senado, nagbantang babawasan ang pondo ng DPWH kung ‘di maaayos ang mga naaantalang proyekto ng pamahalaan

by Radyo La Verdad | September 4, 2018 (Tuesday) | 3997

Nagbanta ang Senado sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na tatapyasan ang panukalang pondo ng mga ito sa susunod na taon.

Ito ay kung hindi maaayos ng kagawaran ang problema sa mga right of way ng mga infrastructure projects ng pamahalaan.

Sa pagdinig ng Senado kahapon sa 2019 budget ng DPWH, ipinakita ni Senator Panfilo Lacson ang ilan sa mga proyekto na naantala dahil sa problema sa right of way.

Tulad na lamang ng isang road project sa Sariaya, Quezon Province na natigil noon pang Mayo 2016 dahil bigo umanong bayaran ng DPWH ang mga may-ari ng mga lupa na tatamaan nito.

Ang isang parte naman ng inayos na kalsada sa Labey-Lacamen Provincial Road sa Benguet, natabunan ng gumuhong parte ng bundok noong Agosto 2018.

Ayon kay Senator Lacson halatang hindi naplano ang proyekto. Umabot na rin sa daan-daang milyong piso ang nasasayang na pera dahil sa mga hindi naipagpapatuloy na proyekto.

Ngunit dipensa ni DPWH Secretary Mark Villar, hindi gagastos ang pamahalaan kung nadedelay ang proyekto dahil responsibilidad ito ng contractor.

Aniya, hindi rin lamang simpleng right of way issue ang kanilang problema sa implementasyon ng isang proyekto.

Pinagsusumite ng senador ng kumpletong listahan ang DPWH ng kanilang mga proyektong natigil at dahilan ng pagkaantala.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,