Senate Sentinels, target na mapantayan ang PNP Responders sa number 1 spot sa UNTV Cup Executive Face Off

by Radyo La Verdad | June 6, 2018 (Wednesday) | 827

Tatangkain ng Senate Sentinels na makaagapay sa PNP Responders sa unang pwesto ng standings ng UNTV Cup Off Season Executive Face Off.

Hawak ngayon ng Sentinels ang ikalawang pwesto na may malinis na 3-0 win loss record. Habang ang PNP naman ay wala pang talo sa kanilang apat na sunod na laban.

Babanggain ng Senate ang Ombudsman Graft Busters sa Linggo sa first game, alas dos ng hapon sa Pasig City Sports Center.

Ayon kay Senate Headcoach Mike Fermin, kailangang patibayin pa ang kanilang depensa matapos ang kanilang makapigil hiningang pagkapanalo sa AFP Cavaliers noong ika-27 ng Mayo sa score na 79-77.

Samantala, desidido naman ang Ombudsman Grat Busters na masusundan ang kanilang panalo at manatili sa top four ng rankings.

Sa ngayon, nasa ika-apat na pwesto ang Ombudsman na may dalawang panalo at isang talo.

Sa walong koponan ng mga executive na nagtutuos sa UNTV Cup, apat lamang ang aabante sa play offs at magpapaalam na sa liga ang nasa rank number 5 hanggang 8.

Kaya para sa Graft Busters, napakahalaga ng panalong ito para sa kanilang ticket sa play offs.

Sakaling manalo ang Ombudsman, aagapay sila sa Judiciary Magis na nasa ikatlong pwesto na may 3-1 win loss record.

 

( Bernard Dadis / UNTV Correspondent )

Tags: , ,