Separation anxiety, isa sa pangkaraniwang problemang nakikita sa unang araw ng pasukan

by Radyo La Verdad | June 5, 2018 (Tuesday) | 1890

Nagwawala, gustong umuwi, nagpipilit lumabas at umiiyak ay ilan lamang sa mga senaryong normal nang makikita sa unang araw ng klase.

Ang tawag dito ay separation anxiety o ang mga batang ayaw mawalay sa kanilang mga magulang at ang mga magulang na ayaw mawalay sa kanilang mga paslit.

Subalit ngayong 2018, ayon sa school principal ng President Corazon Aquino Elementary School na si Dr. Elvira Dumlao, naibsan ang ganitong suliranin nang magkaroon ng simulation ng klase noong nakalipas na linggo.

Hinikayat ng mga guro ang mga magulang na dalhin sa paaralan ang kanilang mga anak bago ang school opening upang masanay na sa pagpunta sa eskwelahan.

Samantala, nasa 8,800 ang bilang ng enrollees para sa school year 2018-2019 sa naturang paaralan nitong ika-2 ng Hunyo 2018.

Dati, aabot sa 60 ang mga mag-aaral sa bawat classroom na hinati pa sa dalawang shift.

Pero dahil sa dalawang bagong gawang gusali na may mga dagdag na mga silid aralan, nabawasan na ang congestion sa mga klase.

Target ng pamunuan ng paaralang magkaroon lamang ng nasa 40 hanggang 45 mga estudyante sa bawat silid-aralan.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,