METRO MANILA, Philippines – Aaprubahan na ng Manila Waterworks and Sewerage System o MWSS Board of Trustees ang water rate hike sa susunod na linggo.
Posibleng nasa mahigit Php 7 ang aaprubahan ng MWSS sa Manila Water habang halos Php 7 naman sa Maynilad.
“Plano ng MWSS Regulatory Office na gawing stagger ang pagtaas ng tubig. Hindi natin gagawin itong one-time-big-time, but i-stagger natin across four years para hindi po mabigat sa ating publiko,” pahayag ni Patrick Ty, chief regulator ng MWSS.
Samantala, matapos ang dagdag singil na ipinatupad ng Meralco noong Agosto ay halos Php 0.15 kada kilowatt hour naman ang ibababa sa singil nito ngayong Setyembre. Ibig sabihin, makatitipid ng nasa Php 20 hanggang sa mahigit Php 70 ang mga customer ng Meralco sa kanilang electric bill.
Ayon sa Meralco ito ay dahil nagkaroon ng bahagyang pagbaba sa generation charge. Ngunit posible namang tumaas ang singil sa kuryente sa susunod na buwan dahil sa maintenance shutdown ng 1000 megawatts na Sual at Pagbilao power plant.
Bagama’t bumaba ang singil ay patuloy naman ang panawagan ng Meralco sa mga consumer na magtipid sa paggamit ng kuryente.
Ulat ni Mon Jocson/UNTV News and Rescue