Spa sa QC na nag-aalok ng ‘extra service’ sinalakay ng WCPC

by Radyo La Verdad | July 26, 2018 (Thursday) | 1901

Sinalakay ng mga tauhan ng Womens and Children Protection Center (WCPC) ang 96 Essensa Spa sa Kamias Road, Quezon City bandang alas dyes kagabi.

Ito’y matapos makatanggap ng impormasyong ang mga otoridad na mga menor de edad ang nagtatrabaho at may alok na “extra service” sa kanilang mga kustomer.

Sa isinagawang rescue operation, isang operatiba na nagpanggap bilang kostumer ang kumpirmadong inalok ng extra service ng isang bugaw na kinilala na si Julius Valenzuela.

Naabutan pa ng mga pulis ang mga lalakeng masahista sa ground floor na nag-aabang ng kanilang mga kustomer.

Sa 2nd floor at 3rd floor doon naman nangyayari ang pagmamasahe at pawang walang damit pang itaas ang mga nagmamasahe.

Nasa P500 daw ang karaniwang singil sa masahe pero 2000 hanggang 4,000 piso ang singil kung may “extra service.”

Na-rescue ang 22 na mga kalalakihan kabilang ang limang menor de edad.

Sa pagsisiyasat ng operatiba, wala rin silang makitang business permit at Sec Registration ang naturang spa.

Todo tanggi na naman si Alvin Lim na siya ang may-ari ng spa at tanging magpapamasahe lang ang pakay nito.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act “9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 at RA 9231 o Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

 

( Reynante Ponte / UNTV Correspondent )

Tags: , ,