Suplay NFA rice sa Baguio at Benguet, pang dalawang linggo na lang

by Radyo La Verdad | March 9, 2018 (Friday) | 1992

Hanggang sa 20 na lang ngayong buwan tatagal ang suplay ng NFA rice sa lungsod ng Baguio at Benguet.

Batay sa inventory ng National Food Authority (NFA) Region 1, nasa 60,000 sako na lang ng NFA rice  ang nakalaan sa buong rehiyon kasama ang Baguio, Benguet at Abra.

Tatlongpu’t tatlong libo nito ang nakalaan sa Baguio at Benguet habang ang nalalabi  ay nakareserba kapag nagkaroon ng sakuna.

Ikinababahala naman ng mga residente ang unti-unting pagkawala ng NFA rice. Nangangaunti na rin ang suplay ng commercial rice kaya tumataas na rin ang presyo nito.

Dalawa hanggang limang piso na ang itinaas sa kada kilo ng commercial rice sa mga palengke.

Ayon sa NFA, posibleng sa Hunyo pa darating ang NFA supply  sa Baguio at Benguet kaya mahigpit nilang sinusunod ang patakaran kung saan hanggang tatlong kilo lang  ng maaaring bilhin ng mamimili kada araw.

 

( Grace Doctolero / UNTV Correspodent )

Tags: ,