Suspect sa hostage taking San Juan City, Arestado ; 70 hostage nito, nailigtas

by Erika Endraca | March 3, 2020 (Tuesday) | 3506

METRO MANILA – Nagtakbuhan palabas ng Virra mall sa San Juan City ang mga tao matapos makarinig ng putok ng baril dakong alas-11 ng umaga Kahapon (March 2).

Hinostage ng isang dating security guard ng nasabing mall ang nasa 70 sa loob ng mall.

May mga dala itong baril at granada.

Ang suspek ay nakilalang si Archie Paray na tinanggal sa security guard dahil sa madalas umanong pagliban sa duty ng walang pasabi.

Dinamdam nito ang pagkakaalis sa trabaho at unang binaril ang kanyang dating amo na agad namang naisugod sa ospital.

Ilang oras ng lumipas, tumulong na si Mayor Francis Zamora sa pakikipagnegosasyon sa suspek.

Ibinigay ng mga otoridad ang hiling ng suspek na alisin sa trabaho ang kanyang mga dating boss at bigyan sya ng pagkakataon na makapagsalita sa media, kapalit ng pagpapalaya nya sa mga hostage.

Pasado alas-8 ng gabi nang lumabas ng gusali ang suspek kasama ang mga bihag nito.

Kita naman sa damit nito na tila may nakasukbit na bagay sa kanyang baywang, na pinaniniwalaang baril.

Ang hindi alam ng suspek nakapwesto na ang mga swat malapit sa kanya .”Everthing is a risk at that point but you have really to calculate your risk you have to calculate your decision. Nakita niyo naman ang resulta lahat ay ligtas walang namatay so siguro tama po yung naging desisyon natin” ani  San Juan City Mayor Francis Zamora.

Agad dinala ang ang suspek sa san juan city police. Inihahanda na ngayon ng PNP ang mga kasong isasampa sa suspek.

(Dante Amento | UNTV News)

Tags: ,