Target na panukalang pambansang pondo para sa 2022, aabot ng P5.024 Trillion

by Erika Endraca | July 21, 2021 (Wednesday) | 3868

METRO MANILA – Naghahanda na ang Development Budget Coordination Committee (DBCC) na maisumite sa Kongreso ang national expenditure program para sa taong 2022.

Mas mataas ng 11.5 % ang panukalang pambansang pondo ng pamahalaan para sa taong 2022 kumpara sa fiscal year 2021 national expenditure program.

Batay sa macroeconomic assumptions at fiscal targets ng duterte administration, inaprubahan ang expenditure ceiling sa susunod na taon sa halagang P5.024 Trillion.

Ngayong taon, P4.506 Trillion ang national budget ng Pilipinas.

Gayunman, ayon kay Budget Secretary Wendel Avisado, hindi maisusumite sa July 26 o sa mismong araw ng ika-anim at huling State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang pambansang pondo gaya ng nakagawian sa mga unang ulat sa kongreso ng administrasyon.

Pagtitiyak naman nito, maisusumite ito sa loob ng 30 araw pagkatapos ng SONA.

Tiwala naman ang DBCC na maibabalik sa pre-pandemic levels ang Gross Domestic Product (GDP) growth sa 2022.

Samantala, magpapatuloy namang nakasentro ang proposed 2022 national budget sa pagpapaigting ng pagresponde kontra pandemiya tulad ng healthcare development at social services habang isinusulong ang paglago ng ekonomiya sa pamamagitan ng pamumuhunan sa public infrastructure.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: