Umano’y birthday party ni NCRPO Dir. Debold Sinas, pinaiimbestigahan ng Chief PNP

by Erika Endraca | May 14, 2020 (Thursday) | 396

METRO MANILA – Pinaiimbestigahan na ni PNP Chief PGen. Archie Gamboa, ang sinasabing paglabag sa quarantine protocols ng sinasabing selebrasyon ng kaarawan ni ni NCRPO Director PMGen. Debold Sinas.

Sa inilabas na pahayag ni Gen. Gamboa, sinabi nito na hindi exempted ang pnp sa mga ipinatutupad na quarantine protocols ng Department of Health (DOH).

Sa naunang text message ni Gen. Sinas sa UNTV, sinabi nito na wala syang birthday party at walang mass gathering na nangyari.

Aniya, ang mga lumabas na pictures sa social media gaya ng binibigyan sya ng roses, cake at kaunting salo salo ay isang supresang mañanita o harana sa kanya ng kanyang mga tauhan na sumusunod pa rin sa social distancing.

Sa katunayan aniya, sa halip magdaos ng party ay namigay na lamang sya ng food packs at ilang regalong lechon kada district ng regional mobile force battalion o mga frontlinere upang hindi na sya aniya puntahan ng mga ito sa kanyang police quarters.

Ngunit base sa mga litrato na ini upload sa facebook page ng NCRPO, hindi nasunod ang 1 meter o 3 feet na physical distancing na ipinatutupad ng DOH.

Nauna na ring idinipensa din PNP Chief PGen. Archie Gamboa si Gen. Sinas at sinabing wala syang nakikitang paglabag sa ginawa ng opisyal.

Nauunawaan din aniya nya ang opisyal dahil sa hirap na rin ng trabaho nito bilang hepe ng Metro Manila police laban sa COVID-19 ngunit hindi aniya ito dahilan para lumabag ito sa health protocol.
“i will look into it, i still trust pa rin naman Gen. Sinas alam naman natin napakahirap no’ng trabaho niya sa NCRPO but nevertheless it is not an excuse for him not to follow simple health protocols”ani PNP Chief PGen. Archie Gamboa.

Sinabi naman ni DILG Sec. Eduardo Año na dapat aniya na magkaroon ng delicadeza at magsilbing good example ang mga opisyal ng pamahalaan sa ipinatutupad na health protocols ng DOH.

Samantala, humingi naman ng paumanhin si Major General Debold Sinas dahil sa pangyayari

Ayon sa NCRPO Director, mahigpit ang kanyang paalala hinggil sa pagpapatupad ng physical distancing sa sorpresang mañanita ng kanyang mga tauhan para sa kanya.

Sinabi din nito na edited at lumang mga litrato ang ilan sa mga kumalat sa social media.

(Lea Ylagan | UNTV News)

Tags: ,