Water supplier, nagbigay paalala sa dapat gawin kung lumalabo ang tubig sa gripo

by Radyo La Verdad | June 26, 2018 (Tuesday) | 1199

Inirereklamo ng ilang mga consumer ang malabong tubig na lumalabas sa kanilang mga gripo.

Si Aling Vivian, natatakot na maapektuhan ang kalusugan ng mga customer sa kaniyang Carinderia.

Ngunit ayon sa mga water supplier, walang dapat ipag-alala ang mga consumer. Normal umano na lumabo ang tubig na lumalabas sa gripo tuwing nagkakaroon ng malakas na ulan. Dala anila ito ng soil erosion sa reservoir na dumidiretso sa kanilang mga treatment facility.

Ang payo ng Maynilad at Manila Water, patiningin o pabayaang tumining ang tubig upang mawala ang malabong kulay na ito. Maaaring gumamit ng filter sa bibig ng gripo upang masala ang humahalong dumi sa tubig.

Ang payo naman ng ilang mga doktor lalo na sa mga magulang na may mga anak na maselan ang tiyan sa iniinom na tubig, painumin ng mineral water o kaya ay pinakulong tubig.

Kung sasakit ang tiyan ng sinoman dahil sa iniinom na tubig, mabuti na maipa-test anila ito agad upang malaman ang sanhi. Kung magtutuloy ang pananakit ng tiyan, agad na dalhin ang pasyente sa pinakamalapit na ospital.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,