Work from Home Bill, naisabatas na

by Jeck Deocampo | January 11, 2019 (Friday) | 421

MANILA, Philippines – Pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte at tuluyang naisabatas ang Telecommuting Act o ang Work from Home Bill.

Tumutukoy ang telecommuting sa isang work arrangement na nagpapahintulot sa isang empleyado na gumawa ng kaniyang trabaho mula sa isang alternatibong workplace gamit ang telecommunication o computer technologies.

Ang employer sa pribadong sektor ay maaaring mag-offer ng telecommuting program sa kaniyang mga empleyado sa isang voluntary basis. Dapat lamang ay pairalin ang minimum labor standards na naayon sa karapatan ng mga manggagawa sa kalusugan, kaligtasan, oras ng trabaho at social security.

Ang labor and employment secretary ang maglalabas ng kinakailangang implementing rules and regulations sa tulong ng National Tripartite Industrial Peace Council sa loob ng 60 araw mula nang maging epektibo ang batas.

Bukod sa Work from Home Bill, aprubado na rin ni Pangulong Duterte ang panukalang nagtataas sa monthly pension ng mga war veteran sa ₱20,000.

300 porsyento ang itinaas nito mula sa dating ₱5,000 kada buwan na pension para mga senior Filipino war veteran ng World War II, Korean and Vietnam wars. Hindi naman transferable ang pensyon na ito sa mga miyembro ng pamilya o dependent ng mga beterano.

Kukunin ang pondo para sa initial implementation ng batas na ito sa kasalukuyang appropriation ng Philippine Veterans Affairs Office at sa mga susunod na taon ay sa pamamagitan ng annual General Appropriations Act.

Pangatlo namang inaprubahan ng Pangulo ang Republic Act 11163 na nagdedeklara sa huling Lunes ng Enero kada taon bilang special working holiday bilang selebrasyon ng National Bible Day.  Pinirmahan ito ng punong ehekutibo noong December 20, 2018.

Kinikilala ng naturang batas ang importansya ng Biblia bilang mahalagang batayan ng pananampalatayang Kristiyano.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: , , , , , ,