15,000 health workers, nanganganib mawalan ng trabaho sa susunod na taon

by Radyo La Verdad | September 18, 2018 (Tuesday) | 3550

Tinawag na injustice ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang ginawang pagtapyas ng Department of Budget and Management (DBM) sa panukalang pondo ng Department of Health (DOH) para sa susunod na taon.

Ayon sa mambabatas, hindi niya papayagang maipasa ito maliban nang maisaayos ang isyu.

Partikular na maapektuhan umano nito ang Health Human Resources Deployment (HHRD) ng kagawaran.

Posible aniyang mawalan ng trabaho ang nasa labinlimang libong health workers at nurses sa susunod na taon partikular na sa mga liblib na barangay sa bansa.

Ayon kay Health Sec. Francisco Duque, kailangan ng karagdagang 8.7 bilyong piso upang walang matanggal sa mga empleyado ng DOH. Nais sana nilang gawing casual ang mga job order ngunit kulang sila sa budget.

Tiniyak naman ni Senador JV Ejercito na gagawan nila ng paraan na maiayos ang problema sa budget ng DOH upang hindi makompromiso ang kalidad ng serbisyo sa publiko.

Samantala, hindi inabrubahan ng Senate Committee on Finance ang proposed budget ng DOH dahil pag-usapan pa sa susunod na hearing ang problema sa budget allocation upang hindi makompromiso ang serbisyo sa mga Pilipino.

Hiniling naman ni Sen. Drilon sa DBM na magsumite ng amended version ng budget ng kagawaran at maglaan ng sapat na pondo para sa construction at maintenance ng mga health facilities sa bansa.

 

( Cathy Maglalang / UNTV Correspondent )

 

Share and Enjoy !

0Shares
0 0

Tags: , ,