2 naaksidenteng motorcycle rider sa Baguio City, tinulungan ng UNTV News and Rescue Team

by Radyo La Verdad | January 5, 2017 (Thursday) | 1147

grace_tmbb
Nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team ang aksidente sa motorsiklo sa Romulo Drive, Pacdal Baguio City pasado alas sais kagabi.

Kinilala ang mga motorcycle rider na sina Russel Nuza, trenta y uno anyos, residente ng Crystal Cave, Baguio City at Ryan Cruz, trenta y nueve anyos at residente ng Pacdal, Baguio City.

Ayon sa kasamahan ng mga biktima, pauwi na ang mga ito nang biglang huminto ang jeep na nasa unahan ni Ryan.

Kaya naman bigla rin itong huminto na dahilan naman para mabangga ito nang kasunod na motorcycle rider na si Russel.

Nagtamo ng sugat sa kaliwang braso at possible fracture sa tuhod at kaliwang braso si Nuza habang sugat naman sa kanang braso ang tinamo ng kasama nitong si Ryan na agad namang nilapatan ng pangunang lunas ng grupo.

Matapos bigyan ng first aid ay tumangging magpadala sa ospital si Ryan habang sinugod naman ng rescue team sa Baguio General Hospital si Russel para sa karagdagang atensiyong medikal.

(Grace Doctolero / UNTV Correspondent)

Tags: ,