26 na patrol car mula Japan, itinurn over ng LGU sa Davao police

by Radyo La Verdad | January 16, 2018 (Tuesday) | 4607

Dalawampu’t anim na bagong mobile patrol vehicle ang itinurn over ng pamahalaan sa Davao City Police Office kahapon. Pinangunahan ang official turn over ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa Pangulo, malaking tulong ito upang mas mapaigting pa ang pagbabantay seguridad sa lungsod. Ngunit nagbabala ito sa mga pulis na huwag gamitin sa unofficial business ang mga sasakyan.

Ang dalawampu’t anim na Mitsubishi patrol vehicle ay donasyon mula sa pamahalaan ng Japan. Kasabay ng turn-over ay ang inagurasyon naman sa bagong PNP Regional Crime Laboratory 11 Building na nagkakahalaga ng 50 million pesos.

Nakapaloob sa crime lab na ito ang ilang state of the art equipments para mas mapabilis ang pagproseso sa mga ebidensya sa mga krimen sa rehiyon at hindi na kailangan pang dalhin ang mga ito sa Metro Manila.

Nagbabala naman si Pangulong Duterte sa mga pulis na maging mas maingat laban sa ipinadedeklara nitong teroristang grupo na New People’s Army, ito ay dahil nagbabalik umano ang “sparrow unit” ng grupo.

Ang sparrow unit umano ang hit squad ng NPA noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

 

( Janice Ingente / UNTV Correspondent )

 

Tags: , , ,