69 indibiduwal na lumabag sa liquor at smoke ban, nahuli ng mga otoridad sa Davao City

by Radyo La Verdad | December 6, 2018 (Thursday) | 170

Arestado ang animnapu’t siyam na indibiduwal sa Davao City matapos maaktuhan ng mga otoridad na lumalabag sa liquor ban at anti-smoking ordinance ng lungsod.

Alas tres y medya ng madaling araw kahapon nang mag-inspeksyon ang mga tauhan ng vices regulation unit kasama ang Talomo Police sa ilang beach establishments sa Matina Apalaya sa Davao.

52 indibiduwal ang nahuling nag-iinuman sa oras ng umiiral na liquor ban. 17 indibiduwal naman ang nahuling naninigarilyo sa pampublikong lugar.

Maliban sa mga nasabing indibiduwal, dalawang establisyemento rin ang nahuli at pagmumultahin dahil sa pagbebenta ng sigarilyo at kawalang smoking area.

Pinagbabayad naman ang animnapu’t siyam na nahuling indibiduwal ng limang daang piso bawat isa.

Muli namang nagpaalala sa publiko ang vices regulation unit ng lungsod na ugaliing sumunod sa mga patakaran.

 

( Janice Ingente / UNTV Correspondent )

Tags: , ,