7 arestado sa buy-bust operation sa Maynila

by Jeck Deocampo | December 13, 2018 (Thursday) | 16514

File Photo

MANILA, Philippines – Makalipas lang ang ilang linggo ay balik-kulungan na naman ang dalawang lalaking hinihinalang nagbebenta ng shabu matapos mahuli sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Pandacan, Maynila kagabi.

 

Kinilala ang pangunahing suspek na si Juan Miguel Bautista alyas Iggy at ang umano’y kasamahan nito na si Joseph Malicsi alyas Opet. Ayon sa mga pulis na nakatalaga sa lugar, unang nagsagawa ng buy-bust laban kay Bautisa sa kanto ng Nagtahan Street at Jesus Street sa Pandacan bandang alas-6 kagabi.

 

Nagtangka pang tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo nito ngunit naabutan ito ng mga pulis matapos matumba ang sinakyan nitong motorsiklo sa area ng Galas, Quezon City. Nang isalilim sa tactical interrogation si Bautista ay itinuro nito ang kanyang kasamahan na kasalukuyang naka-check in sa isang motel sa Sampaloc, Maynila.

 

Kaagad na nagsagawa ng follow up operation ang mga awtoridad na humantong sa pagkakaaresto ni Malicsi kasama ng lima pang kasama nito sa bahay na hinihinalang mga nagpa-pot session sa lugar.  Sa pagsisiyasat ng mga pulis, kamakailan lang ay nakulong na rin ang dalawang pangunahing suspek kaugnay ng iligal na droga ngunit pansamantalang nakalaya matapos magpiyansa.

 

Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng Manila Police District ang mga drug suspect na mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

 

(Asher Cadapan Jr. / UNTV News)

Tags: , , , , , , , , , ,