Aksidente sa pagitan ng dalawang motorsiklo sa Quezon City, nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team

by Radyo La Verdad | May 28, 2018 (Monday) | 4135

Nirespondehan ng UNTV News and Rescue ang aksidente sa pagitan ng dalawang motorsiklo sa Quezon Avenue sa Quezon City pasado alas diyes kagabi.

Nagtamo ng hiwa sa kaliwang kamay ang isa sa mga motorcyle rider na si Alinor Naif, 25 anyos dahil sa insidente.

Ayon kay Reynaldo Aresgado, ang nagmaneho ng isa pang motorsiklo na kabanggaan ng ni Naif, kakaliwa na sana siya upang mag u-turn.

Ngunit bigla na lamang sumalpok sa likurang bahagi ng kanyang motorsiklo ang motorsiklo ni Naif. Kapwa sila nawalan ng kontrol sa manibela at natumba.

Nadamay naman ang isang kotse sa kanilang gilid matapos na mahagip ang side mirror nito.

Agad naman binigyan ng pangunang lunas ng UNTV News and Rescue ang tinamong sugat ni Naif. Pagkatapos ay dinala na ito sa East Avenue Medical Center para sa karagdagang atensyong medical.

Samantala, patuloy naman ang imbestigasyon ng mga pulis kung sino ang dapat managot sa insidente.

 

( Gerry Galicia / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,