Bigtime na tulak ng iligal na droga sa Cavite, arestado

by Radyo La Verdad | December 17, 2018 (Monday) | 8872

Iniharap kaninang umaga kay PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde si John Macmod alyas Jhony na nahuli ng mga otoridad sa Cavite noong Biyernes. Si Macmod ay itinuturing na bigtime na tulak ng iligal na droga.

Sa video ng mga pulis makikita ang paglapit ng isang pulis asset sa nakaparadang sasakyan sa Barangay Pasong Camachile Dos sa General Trias Cavite.

Pumasok sa loob ng sasakyan ang asset at paglabas nito ay sumenyas na sa mga nag-aabang na otoridad. Dito na kumilos ang ibang pulis at naaresto ang suspek.

Nakuha mula kay Macmod ang dalawampu’t dalawang pakete ng hinihinalang shabu na umaabot ang timbang ng 1.7 kilos at may street value na 11.7 milyong piso.

Ayon kay General Trias City Police Chief, Police Superintendent Paul Bometivo, naaresto nila si Macmod matapos ituro ng iba pang drug suspects na una na nilang naaresto. Ngunit itinanggi naman ni Macmod na sa kaniya ang mga nakuhang iligal na droga. Batay naman sa imbestigasyon ng mga pulis, galing ng Mindanao ang suplay na nakukuha ng suspek.

Ayon kay Albayalde mas paigtingin pa ng PNP ang pagbabantay sa mga pantalan katuwang ang Philippine Coast Guard (PCG).

Kaugnay nito, tatlumpu’t isang bagong patrol vehicle, limampu’t anim na bagong assault riffles at isang microscope ang ipinagkaloob sa Cavite Police mula sa Cavite Provincial Government na magagamit upang mapaigting ang kampanya ng pulisya lalo na ngayong holiday season.

 

( Benedict Samson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,