Biktima ng motorcycle accident sa Bacolod City, tinulungan ng UNTV News and Rescue Team

by Radyo La Verdad | July 26, 2018 (Thursday) | 4454

Nilapatan ng paunang lunas ng UNTV News and Rescue Team ang isang lalaki matapos maaksidente sa kaniyang minamanehong motorsiklo sa Brgy. Sibucao, Banago Bacolod City pasado alas onse kagabi.

Kinilala ang biktima na si Ronelo Casama, 27 taong gulang at residente ng Talisay, Negros Occidental.

Ayon sa Barangay Tanod, pauwi na sana ang biktima nang masagi ng kaniyang minamanehong mototsiklo ang mga batong nakatambak sa basketball court ng barangay kaya ito tumilapon sa kanyang motorsiklo.

Nagtamo ng gasgas sa iba’t-ibang bahagi ng katawan at pamamaga ng noo ang biktima. Iniinda din ng biktima ang pananakit ng kaniyang ulo.

Aminado naman ang biktima na naka-inom ito ng ilang bote ng beer bago magmaneho.

Matapos malapatan ng paunang lunas ng UNTV News and Rescue Team ang mga sugat ng biktima ay dinala na ito sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Hospital.

( Vincent Arboleda / UNTV Correspondent )

Tags: , ,