Biktima ng motorcycle accident, tinulungan ng UNTV News and Rescue

by Radyo La Verdad | November 12, 2018 (Monday) | 3396

Dalawang motorsiklo ang nagkabanggaan sa bahagi ng Tandang Sora, Quezon City pasado ala una kwarenta y singko ng madaling araw noong Sabado.

Kwento ng isa sa mga nakasaksi sa insidente, nag-overtake ang motorsiklo na minamaneho ni Jeffrey Paredes sa sinusundan nitong sasakyan. Dito na siya bumangga sa kasalubong na motorsiklo rin.

Sugatan sa insidente si Jeffrey na nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan at ulo, habang ang angkas naman nitong si Grace Cabastian ay nagtamo ng bukol sa ulo at sugat sa braso at mga tuhod.

Ngunit ang driver ng kabanggaan ng mga ito na motorsiklo, tumakas matapos ang insidente.

Agad na nilapatan ng paunang lunas ng UNTV News and Rescue Team ang mga biktima at pagkatapos ay dinala na ang mga ito sa East Avenue Medical Center.

Ayon sa ina ni Jeffrey na dumating sa ospital, matapos ipagbigay-alam ng UNTV News and Rescue ang nangyari, galing sa lamay ang kaniyang anak at sinundo lamang ang kaniyang kasintahan na si Grace.

Kwento nito, walang headlight ang motorsiklo na kanyang kasalubong kaya hindi nya ito natapansin.

 

( Gerry Galicia / UNTV Correspondent )

 

 

 

Tags: , ,