Chinese coast guard na kumukuha ng huli ng Pilipinong mangingisda, dapat disiplinahin – Philippine Government

by Radyo La Verdad | June 12, 2018 (Tuesday) | 3502

Inireklamo na ng pamahalaan sa China ang ginawa ng ilang tauhan ng Chinese coast guard na pangunguha ng huli ng mga mangingisdang Pilipino sa Scarborough o Panatag Shoal.

Ito ay lalo’t napagkasunduan na nina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping ang pagkakaroon ng malayang pangingisda ng mga Filipino fishermen.

Samantala, para naman sa Pilipinong mangingisda na si Mang Romel, tila kontrolado ng China ang Panatag Shoal.

Gayunman, kung sila tatanungin ay ayaw na muna nilang magkaroon ng mga tauhan ng Philippine coast guard o Navy na magpapatrolya at humimpil sa Scarborough Shoal upang maiwasan ang anomang girian at paglala ng sitwasyon.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, hindi naman itinuturing ng Malakanyang na panggigipit o harassment ang ginawa sa mga mangingisda dahil walang nangyaring pamumuwersa o paggamit ng dahas at armas laban sa kanila.

Subalit hinihiling ng mga Filipino fishermen sa pamahalaan na gumawa ng hakbang upang huwag na itong maulit dahil umaabot sa apat na libong piso ang nababawas sa kanilang kita dahil dito.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,