DA, magbibigay ng fuel subsidy sa mga magsasaka at mangingisda

by Radyo La Verdad | January 26, 2022 (Wednesday) | 6777

METRO MANILA – Nakatakda nang ipatupad ng Department of Agriculture (DA) ang P500-M fuel subsidy program na inaprubahan ng pamahalaan para sa mga magsasaka at mangingisda sa buong bansa ngayong taon.

Ayon kay Department of Agriculture Secretary William Dar, malaking tulong ang fuel discount na ito upang mabawasan ang gastos ng mga magsasaka at mangingisda sa paghahatid ng mga produkto sa palengke at upang mabawasan din ang presyo ng mga ito para naman sa kapakinabangan ng mga mamimili.

Sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act (GAA) Special Provision No. 20 on Fuel Discount to Farmers and Fisherfolk o ang Republic Act (RA) 11639, nakasaad ang mga sumusunod na probisyon:

– P500-M ang nakalaang kabuoang halaga ng fuel discount para sa mga magsasaka at mangingisda kapag ang average Dubai crude oil price base sa Mean on Platts Singapore (MOPS) sa loob ng 3 buwan ay umabot o humigit sa 80 USD per barrel.

– Ang benepisyaryong magsasaka at mangingisda ay maaaring indibidwal o sa isang farmer organization, cooperative o association na nagmamay-ari ng agricultural and fishery machinery.

– Kinakailangang nakarehistro ang fishing vessels ng mga mangingisda sa Integrated Boat Registry System o DA-BFAR’s BOATR.

– Kinakailangan din ang katunayan ng indibidwal o organisasyong pagmamay-ari ng mga magsasaka sa kanilang farm machinery.

Makakatanggap ng fuel vouchers ang mga kwalipikadong benepisyaryo mula sa kanilang DA Regional Field Units at BFAR Regional Offices na binigyan din ng authority to deduct ng 1.5% ng nasabing halaga para sa administrative at iba pang operational expenses.

Dagdag ni DA Undersecretary for Operations Ariel Cayanan, kinakailangan ding nakarehistro ang mga benepisyaryo ng fuel discount sa DA’s Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at sa BFAR’s fisherfolk registry system.

Kasalukuyang inaayos ng DA ang implementing guidelines ng fuel discount gaya ng prioritization criteria, halaga ng fuel voucher na ipamimigay sa mga kwalipikadong benepisyaryo at ang paglikha ng isang technical working group na mamahala at mag-uulat para sa implementasyon ng nasabing programa.

(Rachel Reanzares | La Verdad Correspondent)

Tags: ,