Dengue cases sa bansa, umakyat na sa mahigit 167,000

by Radyo La Verdad | August 9, 2019 (Friday) | 927

Tumaas pa ang kaso ng Dengue sa bansa sa pinakahuling tala ng Department of Health. Ayon sa Department of Health (DOH) nakapagtala na sila ng mahigit 167,000 Dengue cases sa Pilipinas mula Enero hanggang Hulyo ngayong taon.

Umabot na rin sa anim na raan at animnapu’t isa ang nasawi dahil sa Dengue.

Ayon sa DOH, doble ang itinaas ng kaso ng Dengue ngayong taon kung ikukumpara sa naparehas na panahon noong nakaraang taon.

Sampung rehiyon na rin ang kasama sa Dengue epidemic threshold.

Kabilang dito ang Calabarzon, Mimaropa, Central Visayas at BARMM.

Nasa alert threshold naman ngayon ang Ilocos at National Capital Region.

“Iyong Dengue season natin kasi kahit na right after na matapos ang rainy season mayroon pa rin tayong mosquitoes. So we are expecting the cases na talagang peak natin August, September, October hanggang November minsan ang mag-start pa lang decrease ng December,” ani DOH Spokesman Eric Domingo.

Samantala, sa August 19 pa maglalabas ng desisyon ang kagawaran kung muling gagamitin o hindi and Dengvaxia vaccines sa bansa.

Sakaling positibo ang magiging resulta ng pag-aaral sa naturang bakuna, ayon sa DOH hindi naman ito agad-agad na magagamit. Dadaan sa mahabang proseso ang Dengvaxia bago ito mabigyan ng Certificate of Product of Registration. Ito ay dahil may re-labeling at pagpapalit ng indikasyon sa naturang bakuna.

“Madali naman iyon, madali naman silang hingan ng kanilang opinion tapos meron din tayong National Immunization Council, sila ang nag-aaral at nagdedecide kung ano iong kasama sa ating Immunization Program and this can also be convened kung sakaling kakailanganin,” dagdag ni DOH Spokesman Eric Domingo.

Naninindigan ang DOH na sa ngayon hangga’t hindi rehistrado ang Dengvaxia at hindi nabusisi ng mga eksperto ay hindi pa rin tio maaaring magamit sa malawakang pagbabakuna sa Pilipinas.

(Aiko Miguel / UNTV News)

Tags: ,