DepEd, makikipagpulong sa PDEA kaugnay sa drug testing program ng kagawaran

by Radyo La Verdad | June 22, 2018 (Friday) | 6943

Makikipagpulong ang Department of Education (DepEd) sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) upang talakayin ang isinusulong ng PDEA na mandatory drug testing.

May pangamba ang DepEd dito dahil kapag ipinatupad ang programa obligadong dumaan sa proseso ang lahat ng guro at estudyanteng mula grade 4 pataas.

Nais malinawan ng DepEd kung paano ipatutupad ang mandatory drug test lalo’t nakasaad sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na aplikalble lang ang random drug test sa secondary at tertiary levels.

Giit ng DepEd, may ipinatutupad na silang drug testing program sa mga paaralan sinimula noong nakaraang school year. Saklaw din ng mga programa ang pagpapaunawa sa mga kabataan kung ano ang masamang epekto ng illegal drugs sa kalusugan ng tao.

Ayon pa sa DepEd, maaari lang nilang ikonsidera ang panukala ng PDEA kung maamyendahan ang batas.

Samantala, tutol naman ang ilang kongresista sa panukala ng PDEA.

Para kina Act Party- List Representatives Antonio Tino at France Castro, tila isa rin itong uri ng pagtatakda ng mas mababang criminal age liability sa mga kabataan.

Anila, mas maigi kung ang puntiryahin na lang ng PNP at PDEA ay mga drug lords at hindi mga kabataan.

Ayon naman kay Magdalo Rep. Gary Alejano, magdudulot lang ito ng takot at trauma sa mga kabataan. Dapat aniyang ikonsidera ng PDEA ang psychological effects ng mandatory drug testing sa mga kabataang nasa siyam hanggang sampung taong gulang o nasa grade 4 level.

Tinututulan din ng mga kongresista ang nais ng PDEA na maningil ng 200 pesos kada estudyante dahil dagdag ito sa papasaning bayarin ng mga magulang.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,