DOH 8, nanawagan sa mga LGU na bumuo ng HIV/AIDS council

by Radyo La Verdad | August 22, 2018 (Wednesday) | 2918

Simula Enero hanggang Mayo ngayong taon, 94 na panibagong kaso ng HIV/AIDS ang naitatala ng Department of Health (DOH)  sa Rehiyon 8. Mas mataas ito kumpara sa 181 na mga kaso na datos sa buong taon ng 2017.

Kaya naman nanawagan ang Department of Health (DOH) sa mga lokal na pamahalaan ng Eastern Visayas na bumuo ng mga HIV/AIDS council sa kanilang lugar.

Ito ay upang masiguro na akma ang mga isasagawang pakikipag-ugnayan sa lahat ng sektor ng komunidad lalo na sa mga kabataan pagdating sa sakit na HIV /AIDS.

Ayon kay Boyd Roderick Cerro, head ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit ng DOH 8, kalimitan sa mayroong mataas na bilang ng kaso ng HIV/AIDS ay sa mga matataong lugar ng rehiyon kagaya ng Tacloban City na may pinakamataas na bilang.

Umaapela rin ang DOH sa mga magulang na bantayang maigi ang kanilang mga anak dahil base sa kanilang pag-aanalisa, 34% ng mga nagkakasakit ay nasa 15-24 ang edad at 50% naman ang nasa 25-34 ang edad.

Samantala, ang pinakabatang na-diagnose naman na maysakit na HIV/AIDS sa Eastern Visayas ay 2 taong gulang sa pamamagitan ng mother-to-child transmission.

 

( Archyl Egano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,